Showing posts with label Type P. Show all posts
Showing posts with label Type P. Show all posts

Monday, May 27, 2013

{P} Joke Sakto Blogger Edition: Episode 4

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 27 May 2013
Joke # 1 
Isang araw, si Tatay, pinalo si Nono.
Nono (umiiyak): Bakit ba 'Tay lagi niyo na lang akong pinapalo?
Tatay: Kasi mahal kita! Kaya magtanda ka! (sabay palo ng isa pang beses).
Nono: Aray! Hindi naman po patas 'to!
Tatay: At bakit naman?
Nono: Kung pagmamahal lang ang dahilan, sana nagpapaluan na tayong lahat!


Joke # 2
Anak: 'Tay, ba't ang dami niyo pong puting buhok?
Itay: Aba, nagtanong ka pa? Dahil iyan sa pagiging kunsumisyon at pasaway ninyo! Sana hindi ko na lang kayo naging mga anak! Buti pa 'ko noong araw, ke-bait-bait!
Anak: Weh, kaya pala ang dami-dami ring puting buhok ni Lolo?

Joke # 3
(Sa sementeryo.)
Ale: Huhuhuhu! Bakit mo 'ko iniwan??! Huhuhu!
Baliw (napadaan): OK lang ho ba kayo?
Ale: Huhuhuhu! Iniwan ako ng asawa ko e!
Baliw: Nasaan po ba ang asawa mo? Sa'n ba kayo dapat magkikita? Dito ba sa sementeryo?
Ale (medyo inis): Ano ka ba naman? Patay na asawa ko! Kaya nga 'ko nandito, 'di ba?
Baliw: Oo nga naman, ba't ka nandito? 'Di ba mga patay lang nandito? Patay ka na rin pala! Wahahahaha!
Ale (mas nainis): E, ba't ka rin nandirito? 'Di ka rin naman patay a?
Baliw: Patay...patay...ako? Ha? Ako? Patay? Wahahahahaha!
Ate (sobrang naiirita na): Tse! Diyan ka na ngang baliw ka! Wala ka lang makausap e! Heto piso, maghanap ka ng kausap mo! (umalis)
Baliw: E sinong kausap mo kanina? Wala rin 'di ba? Hahahahaha! Iniwan daw? Hahahahaha! Text mo 'ko 'pag bumalik na siya a? Hahahahaha!

Joke # 4
May isang hambog akong kaklase, pinagmamayabang niyang lahat ng gamit nila ay imported.
Isang araw, nagsuot siya ng polo na puro square ang disenyo. Tanong namin sa'n galing, from Czech Republic daw.
Dinala naman niya ang alaga niyang isda, tatlo 'yun, from Finland daw.
Minsang nagpa-project ang guro namin, magdala daw ng kahit anong halamang naka-paso na, para gumanda naman daw ang silid. Nagdala nga siya, ang halama'y galing Greenland at ang lupa, bagong tuklas lang daw, galing Newfoundland.
Tapos, nag-contact lens naman siya, kulay berde! 'Di niya matandaan sa'n galing pero baka from Iceland daw iyon.
Naghinala na kaming magkakaklase, grabe naman iyan. Napakaimposible namang lahat ng gamit nila imported!
Gumawa kami ng paraan kung paano siya mabisto. Pero napagkasunduan na lang naming pagtripan na lang siya.
Isang araw, nag-abang kami sa kalyeng dinaraanan niya pauwi. Noong naroon na siya, binulaga namin siya at itinali.
Ako: Hulaan mo sa'n galing 'tong tali?
Hambog: Saan?
Ako: Sa Italy, bobo!
Hambog: Imposible! Ba't niyo ginagawa sa'kin 'to?
Ako: Tara na, mga kasama! Itali natin siya sa flagpole na galing Poland! Buhusan siya ng putik na may pawis, libag, laway, kulangot, tinga, tutuli at sipon na galing pang Germany! Pakainin din ng labuyo galing Chile! Palibutan siya ng dagang galing Costa Rica!
Batuhin na rin siya ng bato galing Estonia at ng mga sapatos galing Netherlands at Slovakia!
Lahat: Oman! Yemen!
Simula noon ay hindi na siya nagyabang pa. Alam na namin ang panloloko niya e.
Kayo, alam niyo na rin ba?

Joke # 5
Guro: Noong primitibong panahon, walang masyadong kasuotan ang mga tao. Ngayong modernong panahon, sobra-sobra na ang damit ng mga tao.
(Nakita ng guro si Lando, hinubad ang uniporme.)
Guro: Lando! At bakit hinubad mo ang uniform mo?
Lando: Sabi niyo po kanina, sobra-sobra na ang damit natin? Hinubad ko lang po yung sobra!

Joke # 6

Bakit nga ba mahal kita
kahit 'di pinapansin mga pimples ko?
'Di mo man ako mahal,
heto pa rin ako, nagpupuyat para lang sa'yo?
Bakit nga ba mahal kita
kahit na may pigsa na 'kong iba?
Ba't ba baliw na baliw ako sa'yo?
Hanggang kailan ako magtitiis?
O bakit nga ba mahal kita?
(Awit ng isang babaeng punumpuno na ng pimples ang mukha.)

Joke # 7
DRAMA SA RADYO
Babae: Walang-hiya ka! Nakuha mo pang mambabae! Galit na galit ako! Kukuha na 'ko ng kutsilyo sa kusina. Heto na't hawak ko na!
Lalaki: Sige! Nakahiga na 'ko ngayon sa sahig, ang paa mo'y nakatapak sa aking dibdib. Gawin mo na kung anong gusto mo sa akin!
Babae: Iniaangat ko na ang dalawa kong braso! At buong-lakas kong isasaksak sa dibdib mo ang kutsilyo! Ugh!

Lalaki: Uh! Nakatusok sa dibdib ko ang kutsilyo! May dugo nang lumalabas! Nahihirapan na 'kong huminga! Uh....uh.... Mamamatay na 'ko! Uh.....uh.....uh..... Pumipikit na mga mata 'ko! Patay na 'ko...
WHEW, buti na lang naimbento ang TV!

|| cHNJoeCo0327Xi50145n145XQObql

Tuesday, November 20, 2012

{P} Inner Thoughts 003: Oo, May "Padrino" Ako!

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 20 Nov 2012

For the previous episode of this blog series, click here.


PAUNAWA: Huwag po sanang ikasama ng inyong kalooban kung halimbawa'y nasaktan o natamaan kayo ng mga nasusulat dito. Maaari po kayong mag-komento (ngunit dadaan po muna ito sa approval bago mailathala rito) kung pakiwari niyo po'y may mali po sa aking nabanggit o may iba pa po kayong mga naiisip.

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---


Ano nga ba ang padrino?

Sa aking pagkakaintindi, parang ninong o ninang mo ang iyong padrino. Maaari mong hingin sa kanila ang mga gusto mo. Kinakapitan mo rin siya kapag napupunta ka na sa kawalan. Kung minsan, siya ang dumidipensa sa iyo kapag napapahamak ka.

Lahat naman ng mga Pilipino, palagay ko, ay may padrino. Siyempre ako, meron din, pero mamaya ko na lang sasabihin kung sino siya.

Hindi naman masamang magkaroon ng padrino e. Wala namang masama kung manghingi ka sa kanya, kung kumakapit ka sa kanya. Hindi na nga lang bumubuti ang sitwasyon, mas lalo na kapag sa paningin ng ibang tao, kapag nakasandal ka na lang sa kanya.

Paminsan-minsan, kailangan nating kumilos, may parte rin sana tayong gawin, para fair naman sa padrino mo.

Iyan ang ilan lang sa mga natutunan ko sa buhay.

Sa halos dalawampung taon ko nang inilagi sa mundong ibabaw, mangilan-ngilang padrino na din ang dumaan sa buhay ko. Ngunit ni minsan, hindi ko naman hiningan ng pabor ang padrino ko. Kadalasan, sila pa nga ang lumalapit at nagbibigay ng tulong sa akin, pati na rin sa aking pamilya, mas lalo na sa tulong pinansyal.

Sa unang sangkapat (one-fourth) ng aking buhay, sapul nang ako'y maipanganak hanggang taong 1998, masasabi kong hindi naman namin kailangan ng tulong ng kung sinumang padrino, upang may maipangtustos lang para sa pag-aaral namin. May maayos namang hanapbuhay naman sina Mama at Papa na parehong nasa mga bigating kumpanya ng glassware nagtatrabaho (nakabase sa Cebu ang kay Papa, sa Maynila naman ang punong tanggapan ng kay Mama), ngunit bakit pa kami hihingi ng tulong, hindi po ba? Kaso, siguro dahil na rin sa nagsikap ang aking kuya sa pag-aaral ay nabigyan siya ng full iskolarsyip na hindi naman daw ipinagkakait noong panahon na iyon. At iyan ay ni hindi hiningi ng aking ina mula sa aming punong-guro (prinsipal pa rin namin siya magpahanggang ngayon), kusa lang iyang ipinagkaloob sa kanya. Kakapalan na lang ng mukha ng nanay ko kapag nanghingi pa siya.

Ngunit hindi lahat ng magagandang bagay ay nagtatagal. Taong 1998, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, at hindi ko rin alam kung anong salita ang mas maayos gamitin, nagbitiw o natanggal sa trabaho si Mama. Mula noon, hindi na siya muling nagkahanapbuhay dala na rin ng kanyang edad. Mag-a-apatnapung taong gulang na siya noon at bihira ang trabahong pasok ang ganong edad sa kanilang age requirements.

Ang daming sinubukan ni Mama na pasukan, ngunit natigil ang lahat ng kanyang mga pagsisikap bunga na rin na dumoble kaming tatlong magkakapatid sa loob ng limang taon.

Dito na naapektuhan ang aming estadong pampinansyal. At sa mahigit isang dekada na naming kaharap ang problemang ito, nakilala ko ang mga tunay na kumakalinga sa aming lahat at ang mga tahasang yumuyurak sa aming mga pagkatao.

At higit sa lahat, nakilala ko kung sino ang tunay kong padrino.

Baka maitanong po ninyo, nasaan po ang aming nga kamag-anak? Minsan na pong humingi ang aking ina sa kanyang mga kapatid na medyo nakararaos sa buhay, ngunit panlalait at pagmamaliit lang ang kanyang inabot na minsan nang lubhang ikinadurog ng puso ni Mama, umiiyak siya habang ikinukwento niya sa akin ang mga pangyayari. Oo, may ibinibigay, kaso de-package, may kasamang habilin na panunumbat.

Ayaw na ayaw kong makita ang nanay ko na umiiyak, dahil isa iyon sa aking mga kahinaan bilang isang lalaki. Pakiramdam ko, parang nawawasak na rin ang mundo ko kapag inaapi siya ng ibang tao, mapa-kamag-anak ko man o yaong mga tauhan sa eskuwelahan. Subalit ang mga luha ko'y wala ring nagagawa, dadaloy lang ito sa aking mga pisngi, matutuyo o sasama na lang sa hangin patungo sa mga kaulapan sa kalangitan, maya-maya'y papatak ang laksa-laksang luha na wari'y nakikiramay sa aking pighati, dala ng panyuyurak at pananapak sa katauhan ng aking ina...

Ah! Tama na ang drama!

Ayun, e di hindi rin namin inasahang makatutulong sila sa amin. Wika nga ni Mama na hayaan ko na lang daw sila. Sabi nga daw sa Bibliya, "Bless those who persecute you." "'Di ba, mas pinagpapala ang mga inaapi?" iyan ang lagi niyang patanong na bilin sa akin.

Kayong mga nakabasa ng mga naunang bahagi, baka akalain po ninyong ang aming punong-guro ang itinuturing kong padrino.

Oo, maaari ko po siyang tawagin na isa sa mga padrino ko.

Sa mga nakakakilala sa akin mas lalo na ang mga ka-eskuwela ko sa mababang paaralan, alam nilang matagal na ang pinagsamahan namin ni prinsipal. Biruin niyo, mula taong 1991 o dalawang taon bago pa ako maisilang, kilala na ni Mama si prinsipal, ito ay ang taon kung saan nagsimula ang lahat: kung bakit lahat kaming anim na magkakapatid ay napadpad sa paaralang ang wika ay hindi namin wika, ang kultura ay hindi namin kultura, at ang mga mag-aaral ay hindi namin tuwirang kalahi.

Nagsimula ang pagyakap namin sa banyagang wika at kultura mula nang magsimula ng pag-aaral ang aking kuya sa ilalim ng pamamahala ng naturang prinsipal. Kung bibilangin, mula sa araw na iyon hanggang sa mga sandaling iginagawa ko ang blog post na ito, ay humigit-kumulang sa pitong libong araw na, na ang punong-gurong yaon ang gumagabay sa aming magkakapatid pagtapak namin sa paaralan. Saan ka naman makakakita ng ganoon katagal na pagsasamahang may respeto sa tunay na kumakalinga sa iyo?

Minsan ko na ring nailinaw sa harap ng aking mga kamag-aral nang minsan akong magtalumpati sa araw ng aking pagtatapos sa hayskul na kahit kailan ay hindi nanghingi si Mama ng kahit anumang iskolarsyip kay prinsipal. Inakala ng marami noon na panay kuno ang hingi namin ng mga ganon, kabilang na ang namayapa na naming disiplinaryo. Hindi ko rin sila masisisi na gayon na lang sila makapanghusga o makapagsuspetsa sa amin dahil hindi nila kasi alam ang mga unang taon ng pagkalinga sa amin ng aming punong-guro, kahit na kami ay may kaya pa noon.

Masakit pero kinakaya.

Sa loob ng mahigit dalawampung taon (inuulit ko, mahigit dalawampung taon) na hindi kami iniwan ni prinsipal, abot-langit hanggang sa pinakadulong namamataang bituin ang aming pasasalamat. Kaya naman ay nagsusumikap po ang inyong lingkod na pagbutihin pa ang aking sarili, lalung-lalo na sa wikang aking kasalukuyang inaaral na hindi naman talaga likas sa akin, ngunit buong-puso ko nang itinatanggap.

Kaso nga lang, hindi po siya ang aking ultimate padrino. Hindi po mangyayari ang lahat ng ito kapag wala siya.

Mahihinuha niyo po ba kung sino siya?

Tumingala ka! O, kilala mo na?

Walang iba kundi ang Dakilang Diyos!

Sapagkat sa Kanya lang ako nakahihingi ng kung anu-ano! Sa Kanya lang ako nakakapagsumbong! Sa Kanya lang ako nakakaramdam ng pagkalinga at pagmamahal na kahit hindi Niya tignan ang iyong kakayahan, karunungan o kayamanan ay kaya Niya iyon ibigay!

Maraming beses nang napatunayan ng Panginoon ang kanyang pagkalinga sa akin, kahit na palagay ko'y hindi ako karapat-dapat sa Kanya. Ngunit Kanyang pinapakinggan ang aking mga panalangin at pinapagbigyan ang aking mga kahilingan sa Kanyang tamang panahon.

May ilang bagay din na kahit hindi ko hiningi ay Kanyang ipinagkaloob, at ang pinakamalaki sa mga iyon ay naganap noong Enero 2009. Subalit sa ngayon ay hindi ko pa maaaring ipagbigay-alam ang bawat detalye ng nangyaring yaon sapagkat sa aking pananaw ay nananatiling sensitibong usapan pa ang pangyayari.

Ang Padrino kong Diyos ay minsan na ring nagpabagsak sa mga nang-api sa akin, sa mga nang-away sa akin, at sa mga patuloy na yumuyurak sa pagkatao naming magkakapamilya. May ilang guro na rin ang nagugulat na lang ako't wala na sila sa aming paaralan, may ilang mga tao na dating nanlait sa amin o nang-away sa akin na hindi ko na batid kung sila ba'y nasa mabubuti pa rin ba nilang kalagayan. E ni minsan naman po'y hindi ko hiniling sa aking Padrino Ultimo na mangyari sa kanila ang mga iyon, sa katunayan, labag sa Bibliya ang magdasal o humiling na ikakahamak ng kapwa. Pero Siya na ang tumapos ng ilan sa mga laban ko at ako'y nagtitiwalang Siya rin ang tatapos sa mga natitira at sa mga susunod ko pang laban. "Vengeance is mine. I will repay." sabi niya sa Roma 12:19.

Ang kakaiba nga lang sa aking Padrino ay dinidisiplina Niya rin ako, sapagkat Siya ay ang ating Ama, Our Heavenly Father. 'Pag pasaway na 'ko o sumosobra na 'ko, hinahayaan Niyang may ibang taong makakapansin ng aking mga kamalian hanggang sa dumating ang puntong sasabihin na ng taong iyon ang kayang mga saloobin patungkol sa akin. kahit na napakasakit na tanggapin ang mga nabanggit ng taong yaon, pero sa bandang huli ay tinatanggap ko na lang iyon bilang parte ng kanyang pagdidisiplina sa akin. Sabi nga sa isa sa mga Bible study namin dito, sino bang ama ang hindi dinidisiplina ang anak?

Sa araw na ito, Nobyembre 20, ang aking "spiritual birthday". Ang spiritual birthday ay tumutukoy sa araw kung kailan isinuko ng isang mananampalataya ang kanyang buhay sa nag-iisang buhay na Diyos at tumatanggap sa katotohanang siya ay makasalanan at kailangan niya ng Tagapagligtas, na walang iba kung hindi si Hesukristo lamang, mula sa walang hanggang kaparusahan sa impyerno at magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa araw na ito, taong 2005, aking pinaniwalaan ang katotohanang ito at ang relasyon ko at ng Panginoon ay naging konkreto at hindi na naging basal. Magmula sa araw na yaon, kinilala ko ang aking Diyos bilang aking tagapagtanggol, aking disciplinarian, tagapagbigay ng pag-asa, kaibigan, Ama, tanging tagapagligtas, at siyempre, Diyos at Panginoon ng aking buhay.

At Siya rin ang nagpaplano ng lahat sa buhay ko, at lahat ng mga padrinong tumulong na sa 'kin noon hanggang ngayon, kasama na ang aming punong-guro, ay Siya ang nagbigay. Hindi ko maaaring maiangkin sa sarili ko ang mga tagumpay ko sa buhay, sapagkat hindi mangyayari lahat ng yaon kapag hindi Niya iyon kapahintulutan.

Naaalala ko noong hayskul, ako'y hinamon dahil hindi daw uubra sa kanya kung sinuman ang padrinong tawagin ko.

Hindi ako makasagot noon. Kasi hindi ko alam anong maisasagot ko.

Ngunit ngayon, kapag may taong magtatanong sa akin kung may padrino ako. Ito lang naman ang aking gagawin:

Tuturo ako sa taas at sasambitin kong "Oo, may 'padrino' ako!"

>> rrj@chn_2012-11-20

Sunday, September 16, 2012

{P} Inner Thoughts 001: Random Thoughts 1

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 16 Sept 2012

PAUNAWA: Opinyon ko lamang po ang mga nasusulat dito. Huwag sanang ikasama ng inyong kalooban kung halimbawa'y nasaktan o natamaan ng mga nasusulat dito. Maaari po kayong mag-komento (ngunit dadaan po muna ito sa approval bago mailathala rito) kung pakiwari niyo po'y may mali po sa aking nabanggit o may iba pa po kayong mga naiisip.

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Ang ipis daw ay laging nasa dilim, natatakot sila kapag nakakakita ng liwanag.
Minsan, nagiging "ipis" din tayo, gusto natin na manatili sa mga madidilim na bagay, umaayaw sa paanyaya ng liwanag.

Gaano kadalas ba tayong naging isang "ipis"? Pakitanong po ang ating mga sarili.

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

"Why worry if you can pray?Sabi ng isang kapanalig namin.

Oo nga naman, no. Pwede ka nga namang manalangin. Oo, worrying is human nature, pero hanggang doon na lang ba iyon?

Sa daming beses na nag-aalala tayo, may pagkakataon ba na nananalangin tayo sa Diyos natin, o pilit nating isinasarili at pilit nating kinakaya sa sarili natin na labanan ito?

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Sana maisaisip ng mga pulitiko hindi lang sa Pilipinas, kundi na rin sa buong mundo ang kasabihang ito ng mga Tsino:

"Ang pinuno ay isang bapor at ang mamamayan ang katubigan."

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Minsang pinagmamasdan ko ang aking relo, ibinibilang ko ang segundo...1, 2, 3, ..., 10, 20, 30, 40, 50, 60, tapos babalik ulit sa 1, 2, 3...

Naisip ko, sanay ang taong magbilang ng 1-100, hindi one-to-sixty.
Kung sandaang segundo ang isang minuto, tiyak maraming magbabagal sa lahat ng bagay, kasi one-to-one-hundred e.

Subukan mong magbilang hanggang isandaan. Hindi mo namalayang humigit-kumulang isa't kalahating minuto ka na pala.

Mabilis nga talaga ang takbo ng oras...

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Isa ito sa mga pinakapinanghihinayangan ko: dahil sa gustong maipagpatuloy ang kanilang karera (career) ay kinakalimutan na ang pagkamamamayang Pilipino pabor sa ibang lahi.

Pasensya na kung may iba kayong opinyon, pero it loses my respect.

Sa halip kasi na tulungang iahon o iraos ang bansa, mas idinidikdik pa...

Tulungan niyo po ang bansa natin! May aberya lang, lilipat na? Ano 'to, TV network?

Kaya maraming salamat sa mga taong nung sumikat ay hindi pa rin nalimutan ang lahing pinagmulan, bumibisita pa nga sila e!

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Lubusan akong naniniwalang may damdaming nasyonalismo pa rin ang mga Pilipino kahit na mabilis na nagbabago ang panahon.

Nakita naman natin sa internet kung paano natin ipagtanggol ang Pilipinas sa mga bumabatikos sa atin, na akala mong napakaperpekto ng kanilang nasyon, o kung sasabihin sa Ingles ay isa silang euphoria.

Pero tingin ko may nakakaligtaan tayo...

Mas saulo natin ang mga awiting dayuhan kaysa sa sarili nating Pambansang Awit.

Ang pag-awit kasi ng "Lupang Hinirang" nang walang mintis at nang buong puso ay pinakasimpleng pamamaraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa ating Inang Bayan.

Saulado ba natin ang bawat salita?

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

Hindi ba pwedeng magkaroon ng sariling "Values Education" ang mga guro?

Marahil naiisip ng mga mag-aaral, nagtuturo sila ng mga ganitong bagay, mga patungkol sa moralidad, pero sila mismo, walang values.

'Di bale! Bukal na bukal po sa puso kong sumali sa kung ano mang values-oriented na programa 'pag naging ganap na guro na ako! Huwag po kayong mag-alala!

---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---

May mga bagay sa mundo na hindi mo magagawa hangga't hindi mo ginagamit ang bagay na makapagpapagawa ng bagay na yaon.

Tulad ng pagsisipilyo, hindi mo magagawa 'yan kapag hindi mo gagamitin ang sipilyo mismo. Lilinlangin mo lang ang sarili mo kung ipapahid mo lang ang toothpaste sa ngipin mo at palabasing nakapagsipilyo ka.

Tulad din ng pagkain, hindi mo maaaring lunukin na lang ang lahat, kailangan pa ring durugin muna ang ating mga kinakain bago lunukin.

Mga simpleng halimbawa lang po iyan ng pagdaan sa tamang proseso. Gawin po natin ang mga kinakailangang gawin. Huwag po tayong magtalon-talon sa mga proseso ng mga bagay-bagay.

>> rrj@chn_2012-09-16

Monday, September 3, 2012

{M} Joke Sakto: Blogger Edition (Episode 3)

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 3 Sept 2012

Joke # 1
Biritera 1: Hmp! Wala ka sa 'kin! Nakalimang konsiyerto na 'ko! Sa galing kong kumanta, lagi akong binibigyan ng standing ovation!
Biritera 2: O, talaga? Sigurado ka bang lahat ng tao tumayo't pinalakpakan ka? Ako, oo! Lahat sila binigyan din ako ng standing ovation! Bata, matanda, lalaki babae, mayaman at ultimo 'yung naglilinis ng lugar tumayo din!
Biritera 1: Weh?! 'Di ako makapaniwala!
Biritera 2: Maniwala ka sa hindi, nagtayuan silang lahat! Sabay labas ng pinto! 'Di ba standing ovation 'yun?

Joke # 2[1]
The truth behind the song "Eternal Flame" and who really sang it.
BULAG: Close your eyes,
PILAY: give me your hand, darling.
BINGI: Do you hear my heart beating,
BOBO: do you understand?
MANHID: Do you feel the same?
DUKHA: Am I only dreaming?
BUMBERO: Is this burning, an eternal flame?
PIPI: Say my name,
BALIW: sunshine through the rain.
KAWAWA: My whole life, so lonely,
DOKTOR: they'll come and ease the pain.
MARAMOT: I don't wanna lose this feeling...
WOLF: ooohhh!!!!

Joke # 3*[1]
Tagalog translations for English movie titles...
3. I Know What You Did Last Summer - Uyy...Aminin!
4. Love, Actually - Sa Totoo Lang, Pag-ibig
5. Million Dollar Baby - 50 Milyong Pisong Sanggol (It depends on the exchange rate of the country.)
6. The Blair Witch Project - Ang Proyekto ng Bruhang si Blair
7. Mary Poppins - Si Mariang May Putok
8. Snakes On The Plane - Nag-ahasan sa Ere
10. Sum of All Fears - Takot Mo, Takot Ko, Takot Nating Lahat
12. Pretty Woman - Ganda ng Lola Mo
13. Robin Hood, Men In Tights - Si Robin Hood at ang mga Felix Bakat
14. 4 Weddings In A Funeral - Kahit na Apat na Beses kang Magpakasal, Mamamatay Ka Rin
15. The Good, The Bad and The Ugly - Ako, Ikaw, Kayong Lahat
16. Harry Potter and the Sorcerer's Stone - Adik si Harry, Tumira ng Shabu
18. Brokeback Mountain - Bumigay sa Bundok
20. Waterworld - Basang-basa
22. Employee of the Month - Ang Sipsip
23. Resident Evil - Ang Biyenan
24. Kill Bill - Kilitiin sa Bilbil
25. The Grudge - L**tik lang ang Walang Ganti
26. Nightmare Before Christmas - Binangungot sa Noche Buena
28. Never Been Kissed - Pangit Kasi
29. Gone In 60 Seconds - 1 Round, Tulog
32. Dude, Where's My Car? - Dong, Anong Level Ulit Tayo Nag-Park?
33. Beauty and the Beast - Ang Asawa Ko at Ang Nanay Niya
34. The Lord of the Rings - Ang Alahero

*Some parts of the original text are not included for having obvious inappropriate content.

Joke # 4[1]
Erap Visits The White House
A few years ago, President Erap was given some basic English conversation training before he visit Washington to meet President Bill Clinton.
The instructor told President Erap, "When you shake hands with President Clinton, say 'How are you?' Then, Mr. Clinton will say, 'I am fine, and you?' Now, you should say, 'Me, too.' Afterwards, we translators will do the work for you."
It looks quite simple, but what happened was...
when Erap met Clinton, he mistakenly asked "who are you" instead of "how are you."
Mr. Clinton was a bit shocked, but still managed to react with humor: "Well, I'm Hillary's husband, ha-ha..."
Then, Erap replied, "Me, too. Ha-ha..."

Joke # 5
Girl 1: Alam mo, hindi ko alam sinong pipiliin ko sa dalawa. Si Pipoy ba o si Franco?
Girl 2: Uhum...
Girl 1: Si Franco kasi, mayaman, may kotse, pero 'di ko nararamdaman ang tunay na pagmamahal sa kanya. Samantalang si Pipoy, mahirap, walang kotse, pero lagi niya 'kong hinahatid sa bahay namin, ang sweet-sweet niya palagi sa'kin.
Girl 2: Ah, si Pipoy na lang piliin mo...
Girl 1: E, anong sasabihin ko kay Franco?
Girl 2: Sabihin mo, akin na lang siya!!! I can be his baby!!!

Joke # 6
PUBLIC SIGNAGE
  1. "NO LEFT TURN" - magandang pampaalala kay Mister mas lalu't ginagabi lagi ng uwi
  2. "NO SMOKING" - bawal ang mga magdadaing nito
  3. "NO PARKING ANYTIME" - anumang oras bawal kang mamasyal
  4. "NO HOWLING" - selfish ako, hindi ka pwedeng magtanong kung bakit, bahala kang magdiskubre
  5. "PULIS" - panakot sa mga masasamang loob
  6. "NO BLOWING OF HORNS" - huwag kang mahangin, matatanggal ang mga sungay
  7. "WALANG BABAAN" - oo nga e! Thanks for reminding me na tumaas na naman lahat ng gastusin ko, ha?
  8. "THIS SEAT IS STRICTLY FOR THE DISABLED ONLY" - pasensya na, disable makaintindi ng instruction ang nakaupo dito
  9. "DON'T LEAVE YOUR THINGS UNATTENDED" - huwag kalimutan ang bolpen at notbuk sa meeting niyo sa opisina, pag-atenin din sila ng meeting
  10. "KEEP OFF THE GRASS" - de-kuryente na ba ang mga damo ngayon? Patayan daw ng ilaw? May switch? May switch?
Joke # 7
A: Yak! Pink suot mo? Bading ka ba?
B: Hindi a! Porke ba pink, bakla na?
A: Hindi naman, sa'n ka nga pala pupunta?
B: Ah, makikipagkita lang ako, secret ko na lang kung sino...
(The next day...)
A: O, kamusta ang date mo kahapon? Marami bang chicks?
B: Oo, kakainis nga e. Ang dami kong kakompetensya!
A: Ba't mo naman nasabi iyan?
B: Sa sobrang dami nila, hindi na ko nakapagpicture kasama ni Daniel Padilla! Ang cute-cute-cute pa naman niya kagabi!!! Sana ako na lang si Kathryn Bernardo para ako ka-holding hands niya....
(Nabalentong na lang si A sa narinig...)

Joke # 8
Nag-asawa si Pina Lu ng isang negosyanteng Chinese na si Mr. Tang. Kaya naman ang pangalan niya'y naging Pina Lu-Tang.
Isang araw, sobrang nagulat si Mr. Tang sa laki ng ikinita niya sa Pilipinas, ibinalita niya ito kay Pina at sa sobra ding gulat ay napaanak ito nang hindi oras.
Alam niyo anong ipinangalan nila sa bata?
Gu Lan Tang.


[1]Mula sa isang Pilipinong pandaigdigang magasin, One Journey International Magazine, Vol.01 No.01 August-September 2008. Credits to the editor, Ms. A. Abrugar, and to the publisher, One Journey Int'l Concepts (HK).

Tuesday, July 10, 2012

{P} PARA SA HARI NG KOMEDYA

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 10 July 2012


PARA SA HARI NG KOMEDYA

Sambayanang Pilipino, ngayo'y nagluluksa
sa pagpanaw ng haring hindi inasahan ng madla;
Rodolfo Quizon, ang kampeon sa komedya
siya'y wala na, pantay na ang mga paa.

Bago pa man ako sa mundong ibabaw ay maisilang,
magulang ko't kapatid kapwa'y nag-aabang;
pagsapit ng gabi'y napapagod ang bagang
sa kakahagikhik daig pa ang sampung tikbalang.

Noong mga panahong ako'y isang paslit,
"Home Along Da Riles" hindi ko mawaglit;
paghalakhak nami'y natural at hindi pilit,
'pag 'di nakapanood kami'y nagagalit.

Pagdaan ng tren akin noo'y inaabangan,
mga tao sa telebisyon nagkakanda-tarantahan;
lahat kami sa bahay ay nagtatawanan
tuwing sasapit ito't magmumukha silang ewan.

Nang nag-binata'y hindi ko na nasubaybayan
ang pagpapatuloy ng kanyang nakagisnan:
ang magpasaya ng bawat tahanan,
at magpaligaya ng Pilipinong mamamayan.

Karamdaman niya ang naging dahilan
kaya't sa telebisyon ay 'di na siya nakikita;
ngayo'y hindi na siya muling madadatnan
pagkat ang oras niya na lumisan ay dumating na.

Taos-pusong pasasalamat ang aking alay
sa hari ng komedyang ngayo'y nakahimlay;
sa ngalan ng lahat ng Pilipinong nalulumbay,
ako po'y nagpupugay, sa aking puso ika'y buhay.

>> Original. Done tonight at 10:50PM
>>
rrj@chn_2012-07-10


(Posted originally at my Facebook timeline: https://www.facebook.com/roadrunner272008/posts/4008300858901)

>> rrj@chn_2012-07-10

Friday, April 20, 2012

{P} Joke Sakto: Blogger Edition (Episode 2)

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 20 April 2012


Joke # 1
Tonton (kausap ang kaklase): Uy, pahiram namang lapis diyan, o!
Titser (kay Tonton): Ops ops ops! 'Di ba sinabi ko naman sa'yo na magdala ka ng sariling lapis mo? Ano ka, pupunta ka sa giyera, wala kang sandata?
Tonton: E ba't ikaw Ma'am? Lagi kang naghihiram ng chalk at eraser sa kabilang classroom? Lagi mo ring hinihiram ang red ballpen ng first honor namin? Sino sa'tin Ma'am ang mas walang sandata?

Joke # 2
"The rains today are caused by the tail-end of a cold front..."
Daming nagsasabing dapat wikang Filipino na daw ang weather forecasts.
Subukan natin.
"Ang pag-ulan ngayon ay sanhi ng dulong buntot ng malamig na harapan..."
Ngayon, mamili ka, sa'n diyan sa dalawa ang magandang pakinggan?

Joke # 3
Ekonomista: Patuloy na tumataas ang inflation dito sa Pilipinas!
Pilosopo: E 'di kumuha ka ng karayom!
Ekonomista: Ano namang magagawa ng karayom?
Pilosopo: 'Di ba ang inflation 'yung paglobo ng balloon? Gamitin mo ang karayom para paputukin mo ang lobo! E 'di tapos!

Joke # 4
Ito ang mga hinaing ng mga bagay-bagay sa mundo na gustong magpakasosyal:
"Buti pa ang universe at earth, may beauty contest, bakit ako wala?"
- araw
"Buti pa si Friday, good; bakit ako, black?"
- Sabado
"Buti pa ang magasin, itinatabi; samantalang ako, ipinapamunas sa bintana!"
- dyaryo
"Buti pa ang dolyar, pag lumakas, ang saya-saya nila. Pero pag ako ang lumakas, nakakunot ang mga noo nila!"
- piso
"Bakit ang salamin, 'pag kumikinang sila, ayaw nilang madumihan? Samantalang ako, wala silang paki kahit na kumikinang ako, bagkus tinatapakan pa rin!"
- sahig
"Bakit si contact lens, mas tuwang-tuwa sila kapag may kulay? Tapos ako, ni asul, pula o brown, hindi mailagay sa'kin?"
- eyeglasses

Joke # 5
(Usapan ng bagong kasal.)
Babae: Hon, may itatanong sana ako sa'yo.
Lalaki: Sige hon, anu 'yun?
Babae: Tumutulo ba laway mo habang natutulog?
Lalaki: Ahm..oo hon e.
Babae: Kasi araw-araw pagkagising ko, lagi kong naaamoy buhok ko, amoy laway.
Lalaki: Pasensya na, hon. Kasi nung hindi pa tayo kinakasal, lagi akong may kayakap na unan, ini-imagine kong ikaw 'yun. Kaso tumutulo nga laway ko, natutuluan ang unan, kaya 'yun, hanggang ngayon ganoon pa rin.
Hayaan mo't hindi na 'ko haharap sa'yo pag matutulog.
Babae: Hon, okay lang, willing akong matuluan ng laway buhok ko, kahit na limampung beses akong mag-shampoo ng buhok, okay lang!
Pero...bago matulog please lang, magsepilyo't mag-mouthwash ka muna, ah? Amoy imburnal!

Joke # 6
'Pag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.
Kaya ako nakuba e.
Pa'no ba naman, kumot ko mula paa hanggang tiyan ko lang! Ang lamig-lamig pa! Anong magandang gawin ko, 'di ba?

Joke # 7
Amo: Ipagtimpla mo nga 'ko ng copy!
Yaya: Ano po, ser? Tinitimpla po ba 'yung copy?
Amo: Hoy! Ikaw, kabago-bago mo lang dito sa pamamahay ko, marunong ka pa sa 'kin ha? Ayun o! 'Yung Gr*at Taste! Timpla mo 'ko bilis!
(Pagkaraan ng ilang minuto...)
Amo: Indaaaaaaaaaaaaay! Nasa'n na copy ko?
Yaya: Pwede pong mamaya na lang. Ubos na po kasi 'yung Gr*at Taste natin ser e! Bibili po muna ako.
Amo: Sige, at saka pwede pakikape ng mga dokumento ko a? Nasa ibabaw ng misa.
Yaya: Misa? E 'di pupunta pa po ako ng simbahan? At saka, pa'no po kakapehin 'yung dokumento?
Amo: Ah basta! Sundin mo inuutos ko! Gusto ko isang oras lang makuha ko na!
(Makalipas ang isang oras...)
Yaya: 'Eto na po ser o! (Sabay abot sa amo)
Amo: Hoy! Ano 'tong pinaggagagawa mo? Hindi ito ang gusto kong mangyari! Ha? Bakit?
Yaya: E bumili po ako ng Gr*at Taste, tapos kinuha ko po sa simbahan habang nagmimisa ang pari 'yung mga dokumento po niyo, 'yung Marriage ContractBaptismal at Confirmation Certificate po 'yung ibinigay sa 'kin ng sakristan. Tapos nilagyan ko po ng Gre*t Taste 'yung mga dokumento, tapos pagbalik po dito, itinimpla ko na po. Ayan po ang nangyari!
Amo: AAAAAAAAAARGH! YOU'RE PIRED!

Joke # 8
(Isang paslit, kaharap ang bentilador, nagpapahangin)
Bata: Wawawawawawawawawawawa......!!!
Bentilador: Hoo! Araw-araw na lang tinitiis ko laway mo, ang baho ng hininga mo! Kahit anong bilis ng elisi ko hindi umuubra! Heto nga't ma-sample-an ka ulit!
(Buong lakas na binilisan ng bentilador ang ikot ng elisi. Natakot ang bata.)
Bata: Mamaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!!!!
Nanay: Naku't mapalitan na nga ang electric fan na 'to! Hindi ko alam ba't natatakot anak ko dito!
Bentilador: L*ch*! Isa ka pa! Hinahayaan mo lang anak mong marumihan at malawayan ang isang napakamahal na bentilador na katulad ko! Hmmp! Magsama kayong mag-ina!
(Dumating ang asawa ng nanay ng bata.)
Nanay: Mahal, palitan na natin bentilador natin! Laging natatakot si bunso pag kaharap niya 'yun e.

Tatay: Alin do'n, 'yung binili ko sa junk shop? Oo, sige maya-maya't ibebenta ko 'yan dun.

Joke # 9
(Sa palengke...)
Tindero 1: Lambat kayo diyan! Lambat! Lambaaaaaaaaaaaaaaat!
Tindero 2: Sira! Siraaaaaaaaaaaaa!
Tindero 1: Lambat! Lambat!
Tindero 2: Sira! Sira!
Tindero 1: Lambaaaaaaaaaaaaaaaaat!
Tindero 2: Siraaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!
Tindero 1 (kay Tindero 2): Hoy! Nananadya ka 'ata! Hindi sira lambat ko!
Tindero 2: Inaano kita diyan?! Nagtatawag lang din naman ako ng mamimili a!
Tindero 1: Kung magtatawag ka ng mamimili, 'wag kang maninira ng kapwa mo tindero! (sabay sapak kay Tindero 2, nagkarambulan sa palengke)
Kapitan (kadarating lang): Anong kaguluhan 'to! Ha?
Tindero 1: Kasi po, sinasabi ng pesteng 'to na sira daw lambat ko!
Tindero 2: Hindi po totoo 'yun! Nagtitinda lang ako ng sira e. Akala niya siya sinasabihan ko!
Kapitan (binatukan si Tindero 1): Taga-Maynila ka no? Hindi naman ikaw ang sinasabihan nito e! Ang sira dito sa Bikol ay isda! Ikaw pa may ganang manapak ha? Sige, bugbugin 'yan!

Joke # 10
Judge: The audition is now open. First one, please.
Aplikante 1: Tuwinkol tuwinkol litol istar, aw ay wander wat yu ar...
Judge: Makakaalis ka na! Next please!
Aplikante 2: Twinkel twinkel litel istarrr, haw way wanderrr wat yo arrr...
Judge: Bwis*t! Next!
Aplikante 3: Thwinkle thwinkle lithle sthar, haw I hwandher whath hyoo har...
Judge: Umalis ka sa harapan ko't mababato ko 'tong sapatos sa'yo! Next!
Aplikante 4: Sir, pwede po bang magtanong?
Judge: Ano 'yon?
Aplikante 4: Kasi naririning po kasi sa labas na inayawan niyo 'yung naunang tatlo. Tingin ko naman po okay sila. Ano po ba ang nararapat na pagkanta nito?
Judge: Gusto mong malaman? 'Eto...
Chwinkle chwinkle li'l shtar, how ay wandher whath yoo are.
Up above ja world show high, like a dhiamond in ja shky!
Chwinkle chwinkle li'l shtar, how ay wandher whath yoo aaaaaaaaaaaaaaare!

>> rrj@chn_2012-04-20

Wednesday, April 11, 2012

{P} Joke Sakto: Blogger Edition (Episode 1)

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 11 April 2012

Ito po ang kauna-unahang pagkakataong sumulat ang inyong lingkod ng blog sa wikang Filipino. Ito rin ang unang pagkakataong mapasaya ko kayong lahat, aking mga mambabasa, kahit man lang sa paraang medyo corny kumbaga.

Hindi na po bago ang "Joke Sakto" sa pandinig ng aking mga kaklase at ka-eskuwela noong nasa hayskul pa 'ko. Ito po ay naging comedy segment ng noo'y "25 Oras" na ang inyong lingkod din po ang gumawa.

Nagsimula itong "Joke Sakto" noong taong 2007 sa "25 Oras", mula pa sa isang tabloid ang mga kalokohang pinagkukuha ko noon. Naging patok naman iyon sa mga ginigiliw kong mambabasa kaya naman mula sa isang beses sa isang buwan, naging kada dalawang linggo ang labas nito hanggang sa tuluyang mamaaalam sa paningin ng mga mambabasa ang "25 Oras" noong Nobyembre 2009.

Ngayon at nagkaroon na 'ko ng sariling blog, ito nga't napagdesisyunan ko na ibalik ang "Joke Sakto" na halos dalawa't kalahating taon na ding nabaon sa limot.

Ngunit sa pagkakataong ito, karamihan po ng jokes ay hindi ko na po kukunin mula sa mga pahayagan, o dili kaya sa internetPawang orihinal po ang ipo-post ko dito. 19 taong gulang na po ang inyong lingkod, baka ako pa po'y mademanda...hehehe! Subalit kung sakaling may pinanggalingan ang mga naturang jokes, sasabihin ko naman po kung saan o kung kanino galing.

Simulan na po natin!

Joke # 1
Laging sinasabi ng teacher natin na mag-take notes palagi para hindi makalimot.
Eh, lagi kong nakakalimutan ang mga panaginip ko eh.
Pa'no 'yon? Mag-take notes habang nananaginip?!
Imba!

Joke # 2
Na-e-excite ako, magkikita kami ngayong araw!
Habang siya'y papalapit, bumibilis tibok ng puso ko...
Tumakbo ako, napatigil siya...
Humihingal pa 'ko nang biglang sabihin niya, "Alam mo, Troy, may sabihin sana 'ko sa'yo eh..."
"Ano 'yon?" Mukha ko'y pulang-pula tulad ng mansanas...naghihintay sa kanyang sasabihin.
"Troy, I hate to say this, but... Talikod ka muna, bukas zipper mo."

Joke # 3 (mula sa isang website dito sa Tsina)
Anak: 'Tay, bakit wala po akong kapatid?
Tatay: (naistorbo sa pagbabasa ng dyaryo) At bakit gising ka pa? Matulog ka na nga!

Joke # 4
(Nag-uusap sina Webcam at A***e Photoshop)
Webcam: Alam mo, nagtatampo ako sa amo natin.
Photoshop: Bakit naman?
Webcam: Kasi, nagmumukha akong sinungaling pag nakikita niya sarili niya sa 'kin.
Photoshop: Ha? 'Di ko gets?
Webcam: E alam mo naman 'tong amo natin, hindi niya matanggap na hindi siya kagandahan, e 'yun naman talaga siya e.
Photoshop: Ah, siya pala 'yun? 'Kala ko ang ganda niya, kainis! Nagpapagamit pala ako sa panlilinlang niya!

Joke # 5 (isang tunay na pangyayari)
Meron po akong isang kaibigan, nakakatuwa.
Isang araw, pagka-uwian, nagsitayuan mga kaklase ko, nang bigla niyang sabihin, "Manatili po muna tayo sa ating mga kinalalagyan" (kasi may pag-uusapan ang klase namin). You know what she did? Hindi siya nanatili, umalis siya mismo ng classroomwell para sumagot sa tawag ng kalikasan.

Joke # 6
Ang alamat ng salitang "palpak"
May isang Amerikano at isang Pilipino, magkaibigan sila.
May nagustuhan ang Amerikano na isang mayuming nilalang. Isang araw, sinama niya ang kaibigang Pilipino sa kanilang date.
Habang nagde-date, niyaya ng Kano ang kasintahan na gawin ang gusto nilang gawin. Ngunit pagkatapos ang ilang segundo, lumabas ng kwarto ang Kano at ang kasintahang bigla na lang umiksi ang buhok.
Sabi ng Pinoy: "What happened? Did you enjoy it?"
Sagot ng Kano habang nakaturo sa baklang kasintahan: "Pal..." sabay sampal sa kanya...PAK!

'Yun na po 'yun, ang alamat ng salitang "palpak"!

Joke # 7
'Yan ang napapala ng mga mayayabang! 'Kala mo kung sino! Sana mahulog sa manhole lahat ng mayayabang sa mundo!

AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAH!

Peste! Nahulog ako!

Joke # 8
(Si Totoy, nakita si Nono, hinahalukay ang laman ng itlog sa loob ng bowl.)
Totoy: Hoy Nono! Ano 'yang hinahanap mo diyan?
Nono: May sisiw daw kasi sa loob ng itlog, kuya e. Kaya hinahanap ko, kaso wala naman.
Totoy (sabay batok): Loko! Kitang hilaw pa ang itlog e! Natural walang sisiw!
(Pagkalipas ng ilang minuto...)
Totoy: O, ano na naman 'yang hinahalukay mo?
Nono: Niluto ko 'yung itlog, baka maging sisiw e!

Joke # 9
(Isang banat)
'Lam mo, nahihilo ako sa'yo e.
Ayaw mo sa matatamis, pero gusto mo ng sorbetes;
ayaw mo sa color violet, pero parang walang araw na hindi mo suot ang headbandearphones, hikaw at necklace mong violet;
ayaw mong mag-alaga ng hayop, kaso lagi mong hinahawakan aso namin.

'Lam mo, ayaw ko sa inconsistent e,
kaso,

GUSTO KITA!

Joke # 10
Kinaiinisan natin ang mga taong...
sinosolo ang aircon...

Sige na! Ikaw na! Bigyan pa kita ng sampu diyan e!

Teka teka, bago 'yan, bigyan ko muna siya ng pabango! Useless din ang sampung aircon kung may isang dambuhalang "air defreshener" ang nakaharang! Hehehe!



Sige! Unang episode pa lang naman 'to. May susunod na!
Joke lang itong lahat! 'Wag totohanin!
Hanggang sa muli!

>> rrj@chn_2012-04-11