Sunday, February 2, 2020

Sa Pagharap sa 2019 nCoV ARS, tandaan itong “1-2-3-4-5” – Dr. Miu Xiaohui, Infectious Disease Department, Changzheng Hospital

Updated January 29, 2020

NOTE: This was written in China and thus the context is in Chinese setting. Mahalaga rin naman pong malaman ang mga nagaganap doon upang malaman kung anu-anong bagay ang kailangan nating matutunan at mapaghandaan.

Sa ngayon, lahat ay mayroon nang nalalaman ukol sa paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit dulot ng 2019 nCoV ARS, ngunit ang nalalaman natin ay patingi-tingi lamang. Kaya naman, akong si Dr. Miu Xiaohui ay naririto upang ipamahagi sa nakararami ang aking kaalaman.

1 - ISANG PANINIWALA

Lahat ng infectious disease ay maaaring maiwasan, kaya naman itong bagong 2019 nCoV ARS ay maaari ring maiwasan. Subalit ang pag-iwas dito ay may partikular na pamamaraan at dapat ay naaayon sa siyensya.

[Dapat na malaman natin na ang 2019 nCoV ARS ay] isang respiratory infectious disease. Ngunit hindi ibig sabihin na sa paghinga lamang naikakalat ang coronavirus. [Sa pagkakataong ito,] ang dulot ng pagkakasakit ng mga tao ay dahil sa pagkakaroon ng bagong coronavirus, at ito ay isang madaling magbago (mutate) na coronavirus. Ang coronavirus na ito ay mas “tuso” pa sa inaakala ng tao. Ang pinagmulan ng coronavirus na ito ay mula sa hindi pa natutukoy na hayop, ngunit maaari rin itong manggaling mula sa mga hayop o tao na kinakitaan na nang sakit o di kaya’y nagsisimula pa lamang magkasakit.


2 - DALAWANG PAKIUSAP

Una, pakitandaang maigi: uminom ng maraming tubig, kumain ng maraming prutas, huwag na huwag magpupuyat, huwag magtrabaho nang mabigat, higit sa lahat, panatilihin ang healthy lifestyle.


Pangalawa, pakitandaang gawin: huwag maniwala sa kasinungalingan, huwag magkalat ng kasinungalingan.


3 - TATLONG KATOTOHANAN

Una, ito ang mga kondisyon ng mga taong nahahawaan ng virus: 

kapag may sapat na bilang ng virus ang nakapasok sa katawan ng tao (kahit na ang mga “pinakamalakas” na tao ay kaya pa ring mahawaan); 

kapag malakas ang kalidad ng virus na nakapasok sa katawan ng tao (kahit na kaunti lamang ang nakapasok, kung malakas, ay kaya pa ring impluwensyahan ang immune system ng tao);

at ang kakulangan ng antibodies sa katawan ng tao para sa virus na ito (ngunit hindi ito nagpapahiwatig na mas madaling mahawaan ang mga taong may mahinang immune system, walang bata’t matanda sa pagkakahawa ng virus).

Ikalawa, sa sakit na ito ay nararapat lamang na magkaroon tayo ng malinaw at lohikal na kaalaman, dapat may balance point tayo sa pagitan ng pagdududa at pagbibigay importansya. Sa aking palagay, mahirap marating ang balance point na ito, dahil iba-iba ang tingin ng tao, may mga taong nagsasawalang-bahala lamang, at dahil sa ganitong asta, sa isang pagtitipon ay mas mataas ang tsansang mahawa ang marami! At dahil na rin sa iba-iba ang pinanggagalingan ng mga impormasyon, mas lalo na noong unang pumutok ang balitang ito, magulo ang mga datos, hindi natin malaman kung alin ang totoo sa hindi.

Ikatlo, sa pag-iwas sa sakit na ito, hindi lang pansariling kalusugan ang nakasalalay, ito rin ay para sa kalusugan ng iyong mga kapamilya, katrabaho, kaeskwela, at mga buong pamayanan. Kung maaari, hindi mo lamang iisipin na huwag mahawaan ang sarili, sa abot ng iyong makakaya, ay tutulungan mo rin ang ibang tao na makaiwas sa sakit. Lawakan natin ang ating pang-unawa, isipin nating hindi lahat ng tao sa ating paligid ay magiging kontra sa atin.


4 - APAT NA GAWAING PANGONTRA SA CORONAVIRUS

1. Kung hindi naman talaga kinakailangan, huwag munang pumaroon sa mga lugar na pinanggalingan ng virus at mga lugar na marami nang kaso nito. Ganoon din naman, kung ikaw ay naroon na mismo sa mga lugar na yaon ay huwag munang lumabas at pumaroon sa ibang lugar. Lalo na sa mga nakatatanda (60 years old pataas) at sa mga mayroon nang karamdaman tulad ng diabetes, pulmonya, sakit sa atay at iba pa, ay bawas-bawasan muna ang pagpunta sa mga gathering, huwag pumunta sa mga palengke na nagbebenta ng mga wild animals, at huwag pumunta sa mga matataong lugar.

2. Gawin ang nararapat sa pag-iwas sa sakit. Ang virus ay napupunta sa katawan ng tao sa maraming paraan. Kung titingnan natin ang SARS,  kumalat ito sa ibang tao sa pamamagitan ng paglanghap, pumapangalawa lamang ang direct contact. Kaya naman, kailangang gawin ito: ang pagsusuot ng face mask at ang paghuhugas nang maigi ng mga kamay.

3. Tutukan ang mga pangyayari sa inyong lugar ukol sa pagkalat ng virus. Huwag mong iisiping ang virus ay walang kinalaman sa iyo. Sa nakikita natin ngayon, ang sakit na ito ay hindi na lamang nakasentro sa isang lugar, at hindi ito matatapos pagkalipas ng maikling panahon. Magkaroon dapat tayo ng paghahanda ng kaisipan (psychological preparedness). Nang sa gayon, para na rin sa kalusugan ng ating sarili at ng ating kapwa, tutukan natin ang progress status ng virus na ito. Pagtiwalaan natin ang mga sangay ng gobyerno at sa kakayahan ng mga doktor na siyang isinusugal ang buhay sa gawaing ito. Noong pumutok ang SARS taong 2003, sa mga taong nagsakripisyo ng panahon at buhay, ang mga doktor ang nangunguna sa listahan. Sa pagkakataon ding ito, lahat ng mga nasa hanay ng pangkalusugan ang nasa frontlines sa pagpuksa ng epekto ng coronavirus.

4. Ugaliing nakabukas ang mga bintana sa bahay at opisina. Ito ay upang magkaroon ng sirkulasyon ng hangin. Epektibo ito sa pagpapababa ng dami ng mga viruses na maaaring nasa loob ng ating mga kwarto. Hindi totoo na epektibo ang paglalagay ng puting suka sa mga kwarto. Sa mga malalaking lungsod, ang mga bintana sa mga office buildings ay laging nakapinid, at ilan sa mga building na ito ay may problema sa air conditioning system. Kaya dapat na pakatutukan at inspeksyunin ang effectiveness ng mga ito.


5 - LIMANG KASAGUTAN SA MGA FAQs

1. Kinakailangan ba talagang magsuot ng goggles?

Exaggerated po ito. Noong ako’y nagtatrabaho sa isang ospital noon, nagsusuot ako ng goggles bago ako pumasok sa silid ng isang pasyente, hindi na ako halos makahinga dahil dito. Ginawa kong magsuot niyon dahil ako ay tumitingin sa mga pasyente ng SARS. Sa mga mamamayang hindi naman ganito ang propesyon, ay hindi na kailangang magsuot ng goggles.

2. Epektibo ba ang alcohol sa pag-iwas sa 2019 nCoV ARS?

Opo. Dahil takot ang virus na ito sa alcohol. Sa karaniwang pagkakataon, lahat ng pathogens ng sakit ay takot sa alcohol. Ang sinasabi ditong “pag-iwas” ay tumutukoy sa paggamit ng alcohol sa mga lugar na hinihinalang nagkaroon ng virus, hindi ito nangangahulugang kahit saan ay mag-spray tayo ng alcohol. Ang proseso ng disinfection ay ginagawa lamang dapat sa ospital.

Noong 2003 sa pinagtrabahuan kong ospital, maaamoy mo ang alcohol sa buong pasilidad, lahat ng kwarto, lahat ng mga health workers ay gumagamit ng alcohol at nag-spray ng ilang beses. Makatutulong ba ito ngayon sa pagpuksa ng 2019 nC0V ARS? Ang sagot ay oo, at ito ay ginagawa na rin naman natin. Ngunit ingat lang dahil nakakasakit ito sa ating mata at sa ating lalamunan.

3. Mayroon na bang gamot o bakuna laban dito?

Malinaw ang sagot dito, sa ngayon ay wala pa! Sa isang nakakahawang sakit, mula sa paglabas nito hanggang sa pag-aaral nito nang masusi, ay maraming oras ang kailangan. Mahirap na sa loob ng ilang buwan ay makapaglalabas na ng bakuna. Kung antivirals ang pag-uusapan, tulad ng Oseltamivir, maaaring mapagaling nito ang flu, ngunit hindi ang coronavirus.

4. Ang Ribavirin ay nakapagpapagaling ba ng coronavirus?

Hindi pa natin alam sa ngayon!

Mayroon ding mga Chinese medicine na laging ginagamit bilang pamuksa ng mga viral infection, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa napapatunayan sa siyentipikong pamamaraan ang epekto nito.

5. Ang pag-inom ba ng Vitamin C araw-araw ay mainam din bang panlaban sa virus?

Sa ngayon, ito ay may mabuting dala at hindi nakasasama.


No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.