FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 20 Nov 2012
For the previous episode of this blog series, click here.
PAUNAWA: Huwag po sanang ikasama ng inyong kalooban kung halimbawa'y nasaktan o natamaan kayo ng mga nasusulat dito. Maaari po kayong mag-komento (ngunit dadaan po muna ito sa approval bago mailathala rito) kung pakiwari niyo po'y may mali po sa aking nabanggit o may iba pa po kayong mga naiisip.
---0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0o0---
Ano nga ba ang padrino?
Sa aking pagkakaintindi, parang ninong o ninang mo ang iyong padrino. Maaari mong hingin sa kanila ang mga gusto mo. Kinakapitan mo rin siya kapag napupunta ka na sa kawalan. Kung minsan, siya ang dumidipensa sa iyo kapag napapahamak ka.
Lahat naman ng mga Pilipino, palagay ko, ay may padrino. Siyempre ako, meron din, pero mamaya ko na lang sasabihin kung sino siya.
Hindi naman masamang magkaroon ng padrino e. Wala namang masama kung manghingi ka sa kanya, kung kumakapit ka sa kanya. Hindi na nga lang bumubuti ang sitwasyon, mas lalo na kapag sa paningin ng ibang tao, kapag nakasandal ka na lang sa kanya.
Paminsan-minsan, kailangan nating kumilos, may parte rin sana tayong gawin, para fair naman sa padrino mo.
Iyan ang ilan lang sa mga natutunan ko sa buhay.
Sa halos dalawampung taon ko nang inilagi sa mundong ibabaw, mangilan-ngilang padrino na din ang dumaan sa buhay ko. Ngunit ni minsan, hindi ko naman hiningan ng pabor ang padrino ko. Kadalasan, sila pa nga ang lumalapit at nagbibigay ng tulong sa akin, pati na rin sa aking pamilya, mas lalo na sa tulong pinansyal.
Sa unang sangkapat (one-fourth) ng aking buhay, sapul nang ako'y maipanganak hanggang taong 1998, masasabi kong hindi naman namin kailangan ng tulong ng kung sinumang padrino, upang may maipangtustos lang para sa pag-aaral namin. May maayos namang hanapbuhay naman sina Mama at Papa na parehong nasa mga bigating kumpanya ng glassware nagtatrabaho (nakabase sa Cebu ang kay Papa, sa Maynila naman ang punong tanggapan ng kay Mama), ngunit bakit pa kami hihingi ng tulong, hindi po ba? Kaso, siguro dahil na rin sa nagsikap ang aking kuya sa pag-aaral ay nabigyan siya ng full iskolarsyip na hindi naman daw ipinagkakait noong panahon na iyon. At iyan ay ni hindi hiningi ng aking ina mula sa aming punong-guro (prinsipal pa rin namin siya magpahanggang ngayon), kusa lang iyang ipinagkaloob sa kanya. Kakapalan na lang ng mukha ng nanay ko kapag nanghingi pa siya.
Ngunit hindi lahat ng magagandang bagay ay nagtatagal. Taong 1998, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, at hindi ko rin alam kung anong salita ang mas maayos gamitin, nagbitiw o natanggal sa trabaho si Mama. Mula noon, hindi na siya muling nagkahanapbuhay dala na rin ng kanyang edad. Mag-a-apatnapung taong gulang na siya noon at bihira ang trabahong pasok ang ganong edad sa kanilang age requirements.
Ang daming sinubukan ni Mama na pasukan, ngunit natigil ang lahat ng kanyang mga pagsisikap bunga na rin na dumoble kaming tatlong magkakapatid sa loob ng limang taon.
Dito na naapektuhan ang aming estadong pampinansyal. At sa mahigit isang dekada na naming kaharap ang problemang ito, nakilala ko ang mga tunay na kumakalinga sa aming lahat at ang mga tahasang yumuyurak sa aming mga pagkatao.
At higit sa lahat, nakilala ko kung sino ang tunay kong padrino.
Baka maitanong po ninyo, nasaan po ang aming nga kamag-anak? Minsan na pong humingi ang aking ina sa kanyang mga kapatid na medyo nakararaos sa buhay, ngunit panlalait at pagmamaliit lang ang kanyang inabot na minsan nang lubhang ikinadurog ng puso ni Mama, umiiyak siya habang ikinukwento niya sa akin ang mga pangyayari. Oo, may ibinibigay, kaso de-package, may kasamang habilin na panunumbat.
Ayaw na ayaw kong makita ang nanay ko na umiiyak, dahil isa iyon sa aking mga kahinaan bilang isang lalaki. Pakiramdam ko, parang nawawasak na rin ang mundo ko kapag inaapi siya ng ibang tao, mapa-kamag-anak ko man o yaong mga tauhan sa eskuwelahan. Subalit ang mga luha ko'y wala ring nagagawa, dadaloy lang ito sa aking mga pisngi, matutuyo o sasama na lang sa hangin patungo sa mga kaulapan sa kalangitan, maya-maya'y papatak ang laksa-laksang luha na wari'y nakikiramay sa aking pighati, dala ng panyuyurak at pananapak sa katauhan ng aking ina...
Ah! Tama na ang drama!
Ayun, e di hindi rin namin inasahang makatutulong sila sa amin. Wika nga ni Mama na hayaan ko na lang daw sila. Sabi nga daw sa Bibliya, "Bless those who persecute you." "'Di ba, mas pinagpapala ang mga inaapi?" iyan ang lagi niyang patanong na bilin sa akin.
Kayong mga nakabasa ng mga naunang bahagi, baka akalain po ninyong ang aming punong-guro ang itinuturing kong padrino.
Oo, maaari ko po siyang tawagin na isa sa mga padrino ko.
Sa mga nakakakilala sa akin mas lalo na ang mga ka-eskuwela ko sa mababang paaralan, alam nilang matagal na ang pinagsamahan namin ni prinsipal. Biruin niyo, mula taong 1991 o dalawang taon bago pa ako maisilang, kilala na ni Mama si prinsipal, ito ay ang taon kung saan nagsimula ang lahat: kung bakit lahat kaming anim na magkakapatid ay napadpad sa paaralang ang wika ay hindi namin wika, ang kultura ay hindi namin kultura, at ang mga mag-aaral ay hindi namin tuwirang kalahi.
Nagsimula ang pagyakap namin sa banyagang wika at kultura mula nang magsimula ng pag-aaral ang aking kuya sa ilalim ng pamamahala ng naturang prinsipal. Kung bibilangin, mula sa araw na iyon hanggang sa mga sandaling iginagawa ko ang blog post na ito, ay humigit-kumulang sa pitong libong araw na, na ang punong-gurong yaon ang gumagabay sa aming magkakapatid pagtapak namin sa paaralan. Saan ka naman makakakita ng ganoon katagal na pagsasamahang may respeto sa tunay na kumakalinga sa iyo?
Minsan ko na ring nailinaw sa harap ng aking mga kamag-aral nang minsan akong magtalumpati sa araw ng aking pagtatapos sa hayskul na kahit kailan ay hindi nanghingi si Mama ng kahit anumang iskolarsyip kay prinsipal. Inakala ng marami noon na panay kuno ang hingi namin ng mga ganon, kabilang na ang namayapa na naming disiplinaryo. Hindi ko rin sila masisisi na gayon na lang sila makapanghusga o makapagsuspetsa sa amin dahil hindi nila kasi alam ang mga unang taon ng pagkalinga sa amin ng aming punong-guro, kahit na kami ay may kaya pa noon.
Masakit pero kinakaya.
Sa loob ng mahigit dalawampung taon (inuulit ko, mahigit dalawampung taon) na hindi kami iniwan ni prinsipal, abot-langit hanggang sa pinakadulong namamataang bituin ang aming pasasalamat. Kaya naman ay nagsusumikap po ang inyong lingkod na pagbutihin pa ang aking sarili, lalung-lalo na sa wikang aking kasalukuyang inaaral na hindi naman talaga likas sa akin, ngunit buong-puso ko nang itinatanggap.
Kaso nga lang, hindi po siya ang aking ultimate padrino. Hindi po mangyayari ang lahat ng ito kapag wala siya.
Mahihinuha niyo po ba kung sino siya?
Tumingala ka! O, kilala mo na?
Walang iba kundi ang Dakilang Diyos!
Sapagkat sa Kanya lang ako nakahihingi ng kung anu-ano! Sa Kanya lang ako nakakapagsumbong! Sa Kanya lang ako nakakaramdam ng pagkalinga at pagmamahal na kahit hindi Niya tignan ang iyong kakayahan, karunungan o kayamanan ay kaya Niya iyon ibigay!
Maraming beses nang napatunayan ng Panginoon ang kanyang pagkalinga sa akin, kahit na palagay ko'y hindi ako karapat-dapat sa Kanya. Ngunit Kanyang pinapakinggan ang aking mga panalangin at pinapagbigyan ang aking mga kahilingan sa Kanyang tamang panahon.
May ilang bagay din na kahit hindi ko hiningi ay Kanyang ipinagkaloob, at ang pinakamalaki sa mga iyon ay naganap noong Enero 2009. Subalit sa ngayon ay hindi ko pa maaaring ipagbigay-alam ang bawat detalye ng nangyaring yaon sapagkat sa aking pananaw ay nananatiling sensitibong usapan pa ang pangyayari.
Ang Padrino kong Diyos ay minsan na ring nagpabagsak sa mga nang-api sa akin, sa mga nang-away sa akin, at sa mga patuloy na yumuyurak sa pagkatao naming magkakapamilya. May ilang guro na rin ang nagugulat na lang ako't wala na sila sa aming paaralan, may ilang mga tao na dating nanlait sa amin o nang-away sa akin na hindi ko na batid kung sila ba'y nasa mabubuti pa rin ba nilang kalagayan. E ni minsan naman po'y hindi ko hiniling sa aking Padrino Ultimo na mangyari sa kanila ang mga iyon, sa katunayan, labag sa Bibliya ang magdasal o humiling na ikakahamak ng kapwa. Pero Siya na ang tumapos ng ilan sa mga laban ko at ako'y nagtitiwalang Siya rin ang tatapos sa mga natitira at sa mga susunod ko pang laban. "Vengeance is mine. I will repay." sabi niya sa Roma 12:19.
Ang kakaiba nga lang sa aking Padrino ay dinidisiplina Niya rin ako, sapagkat Siya ay ang ating Ama, Our Heavenly Father. 'Pag pasaway na 'ko o sumosobra na 'ko, hinahayaan Niyang may ibang taong makakapansin ng aking mga kamalian hanggang sa dumating ang puntong sasabihin na ng taong iyon ang kayang mga saloobin patungkol sa akin. kahit na napakasakit na tanggapin ang mga nabanggit ng taong yaon, pero sa bandang huli ay tinatanggap ko na lang iyon bilang parte ng kanyang pagdidisiplina sa akin. Sabi nga sa isa sa mga Bible study namin dito, sino bang ama ang hindi dinidisiplina ang anak?
Sa araw na ito, Nobyembre 20, ang aking "spiritual birthday". Ang spiritual birthday ay tumutukoy sa araw kung kailan isinuko ng isang mananampalataya ang kanyang buhay sa nag-iisang buhay na Diyos at tumatanggap sa katotohanang siya ay makasalanan at kailangan niya ng Tagapagligtas, na walang iba kung hindi si Hesukristo lamang, mula sa walang hanggang kaparusahan sa impyerno at magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa araw na ito, taong 2005, aking pinaniwalaan ang katotohanang ito at ang relasyon ko at ng Panginoon ay naging konkreto at hindi na naging basal. Magmula sa araw na yaon, kinilala ko ang aking Diyos bilang aking tagapagtanggol, aking disciplinarian, tagapagbigay ng pag-asa, kaibigan, Ama, tanging tagapagligtas, at siyempre, Diyos at Panginoon ng aking buhay.
At Siya rin ang nagpaplano ng lahat sa buhay ko, at lahat ng mga padrinong tumulong na sa 'kin noon hanggang ngayon, kasama na ang aming punong-guro, ay Siya ang nagbigay. Hindi ko maaaring maiangkin sa sarili ko ang mga tagumpay ko sa buhay, sapagkat hindi mangyayari lahat ng yaon kapag hindi Niya iyon kapahintulutan.
Naaalala ko noong hayskul, ako'y hinamon dahil hindi daw uubra sa kanya kung sinuman ang padrinong tawagin ko.
Hindi ako makasagot noon. Kasi hindi ko alam anong maisasagot ko.
Ngunit ngayon, kapag may taong magtatanong sa akin kung may padrino ako. Ito lang naman ang aking gagawin:
Tuturo ako sa taas at sasambitin kong "Oo, may 'padrino' ako!"
>> rrj@chn_2012-11-20
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.