Tuesday, July 10, 2012

{P} PARA SA HARI NG KOMEDYA

FROM THE MAIN BLOG:
Originally posted on 10 July 2012


PARA SA HARI NG KOMEDYA

Sambayanang Pilipino, ngayo'y nagluluksa
sa pagpanaw ng haring hindi inasahan ng madla;
Rodolfo Quizon, ang kampeon sa komedya
siya'y wala na, pantay na ang mga paa.

Bago pa man ako sa mundong ibabaw ay maisilang,
magulang ko't kapatid kapwa'y nag-aabang;
pagsapit ng gabi'y napapagod ang bagang
sa kakahagikhik daig pa ang sampung tikbalang.

Noong mga panahong ako'y isang paslit,
"Home Along Da Riles" hindi ko mawaglit;
paghalakhak nami'y natural at hindi pilit,
'pag 'di nakapanood kami'y nagagalit.

Pagdaan ng tren akin noo'y inaabangan,
mga tao sa telebisyon nagkakanda-tarantahan;
lahat kami sa bahay ay nagtatawanan
tuwing sasapit ito't magmumukha silang ewan.

Nang nag-binata'y hindi ko na nasubaybayan
ang pagpapatuloy ng kanyang nakagisnan:
ang magpasaya ng bawat tahanan,
at magpaligaya ng Pilipinong mamamayan.

Karamdaman niya ang naging dahilan
kaya't sa telebisyon ay 'di na siya nakikita;
ngayo'y hindi na siya muling madadatnan
pagkat ang oras niya na lumisan ay dumating na.

Taos-pusong pasasalamat ang aking alay
sa hari ng komedyang ngayo'y nakahimlay;
sa ngalan ng lahat ng Pilipinong nalulumbay,
ako po'y nagpupugay, sa aking puso ika'y buhay.

>> Original. Done tonight at 10:50PM
>>
rrj@chn_2012-07-10


(Posted originally at my Facebook timeline: https://www.facebook.com/roadrunner272008/posts/4008300858901)

>> rrj@chn_2012-07-10

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.